PILIPINAS, HINIMOK NA IPAGPATULOY ANG PATROL SA WEST PHILIPPINE SEA


Ibahagi Facebook X

Hinimok ni Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang Pilipinas na ipagpatuloy ang maritime patrols sa West Philippine Sea sa kabila ng umano’y pagpapaputok ng China ng flare patungo sa sasakyang panghimpapawid ng Philippine Coast Guard (PCG). 

Ayon kay Goitia, ang pagpapaputok ng mapanganib na flare habang nagsasagawa ang PCG aircraft ng Maritime Domain Awareness flight malapit sa Panganiban Reef, o Mischief Reef, ay isang walang-ingat na hakbang at pagtatangkang manakot. 

“Naglalaho ang flare sa loob lamang ng ilang segundo. Hindi naglalaho ang ating mga karapatan. Dapat magpatuloy ang mga patrol ng Pilipinas. Hindi natin maaaring hayaang ang pananakot ang magdikta kung saan maaaring lehitimong kumilos ang mga Pilipino,” ani Goitia. 

Binigyang-diin din niya na hindi lamang usaping geopolitikal ang West Philippine Sea, lalo na para sa mga Pilipinong mangingisda at tauhan ng PCG na umaasa rito para sa kanilang kabuhayan at tungkulin. 

“Ayaw natin ng digmaan, pero hindi rin tayo magpapabully na talikuran ang sa atin,” dagdag niya. 

Samantala, sinabi ni Goitia na dapat ding mahigpit na subaybayan ang Chinese marine scientific research vessel na Haiyang Dizhi 12 Hao matapos itong mamataan sa Luzon Sea noong Setyembre 5, 2026. 

Namataan ang barko, na may kakayahang magsagawa ng geological at geophysical surveys at mangalap ng datos mula sa seabed at ilalim ng dagat, humigit-kumulang 186.68 nautical miles kanluran-hilagang-kanluran ng Bolinao, Pangasinan. 

Nauna rin itong namataan noong Agosto 27, humigit-kumulang 60 nautical miles west by north ng El Nido, Palawan, at malapit sa Malampaya natural gas field. 

Ayon kay Goitia, dapat bantayan ang naturang barko dahil sa kakayahan nitong magsagawa ng malawakang survey sa ilalim ng dagat, na aniya’y maaaring may kaugnayan sa paghahanda para sa undersea warfare. 

Samantala, binanggit ni Goitia ang 2016 arbitral ruling na kumilala sa Mischief Reef bilang low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas. 

Ayon sa desisyon, hindi ito maaaring angkinin bilang teritoryo at walang karapatang lumikha ang China ng maritime entitlements mula rito. 

Binigyang-diin ni Goitia na hindi dapat maging dahilan ang pananakot upang umatras ang Pilipinas sa paggamit ng mga lehitimong karapatan nito. 

“Mananatili tayong mapayapa, pero hindi tayo magpapasindak. Ang ating soberanya ay nangangailangan ng tapang, hindi pag-atras,” ani Goitia. 

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng ABKD, People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). / ((BONG SON))

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon