
Nauwi sa banggaan ang isang civilian government mission matapos makasalamuha ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel na BRP Datu Magat Salamat (MMOV-3015) ang China Coast Guard (CCG) vessel CCG-21585 sa West Philippine Sea noong Setyembre 18.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), bago ang insidente ay ilang ulit umanong nagsagawa ng malalapit at mapanganib na pagmamaniobra ang CCG-21585 sa paligid ng barko ng Pilipinas.
Bandang 11:04 ng umaga, tumawid umano ang CCG-21585 sa hulihan ng BRP Datu Magat Salamat sa layong tinatayang 10 metro. Makalipas ang ilang minuto, bandang 11:13 ng umaga, muli itong nagmaniobra at nagkaroon ng contact sa BFAR vessel habang pinananatili nito ang direksiyon.
Nangyari ang insidente may 6.36 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Abad Santos (Bombay) Shoal, humigit-kumulang 54 nautical miles mula sa Palawan at nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Dahil sa banggaan, napinsala ang mga rehas, metal na poste at iba pang estruktura sa starboard side ng BFAR vessel. May ilang kagamitan din sa deck na natanggal o nalipat.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. Iginiit ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na mahalagang tandaan na isang civilian at makataong misyon ang isinasagawa ng BRP Datu Magat Salamat nang mangyari ang insidente.
“Pang-sibilyan at makatao ang misyon. Hindi ito komprontasyon. Nandoon ang barko upang tumulong sa ating mga mangingisda. Hindi dapat ilagay sa panganib ang buhay at mga barko habang isinasagawa ng ating pamahalaan ang isang lehitimong misyon,” ani Goitia.
Kinondena naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente at binigyang-diin ang mga karapatan at obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS, 2016 Arbitral Award, COLREGS at SOLAS.
Itinanggi naman ng China ang bersyon ng Pilipinas at iginiit na ang BRP Datu Magat Salamat umano ang naging sanhi ng banggaan.
Dahil sa magkaibang bersyon, mahalaga umano ang mga obhetibong ebidensiya gaya ng galaw ng mga barko, komunikasyon at mga kuhang video upang malinaw na matukoy ang buong pangyayari.
Para kay Goitia, hindi dapat maging dahilan ang insidente upang umatras ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga lehitimong misyon sa maritime zones nito.
“Hindi naghahanap ng komprontasyon ang Pilipinas. Ngunit hindi rin dapat ang panggigipit ang magdikta kung saan maaaring magsagawa ng legal na misyon ang ating pamahalaan. Ang ating tugon ay dapat disiplinado, propesyonal at matatag,” ani Goitia.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). / ((BONG SON))
