Mahigit 100 pamilya sa Caloocan City ang tumanggap ng Transfer Certificates of Title (TCTs) sa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kasunod ito ng sabayang pamamahagi ng 913 land titles sa San Juan City kamakailan.
Personal na pinangunahan ni Marcos ang awarding ng mga titulo at bumisita sa mga CMP communities sa Barangay 167-Llano upang makausap ang mga benepisyaryo at makita ang kanilang kalagayan.
Kasama ng Pangulo sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, SHFC President and CEO Federico Laxa, Caloocan 1st District Rep. Oscar Malapitan at Barangay Captain Antonio Reyes.
Binigyang-diin ni Marcos na responsibilidad ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan para sa abot-kayang pabahay at seguridad sa lupa, lalo na para sa mga pamilyang wala pang sariling tahanan.
“Napakahalagang trabaho ng pamahalaan na makapagbigay ng titulo para sa ating mga kababayan na wala pang tahanan.”
Ayon kay Aliling, bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyon na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga pamilya at matulungan silang magkaroon ng mas ligtas at marangal na pamumuhay. Iginiit naman ni Laxa ang kahalagahan ng CMP sa pagbibigay ng seguridad sa lupa.
“Ang CMP ang programang nagbibigay ng katiyakan at kasiguraduhan na sa inyo na ang lupang iyan at hindi na kayo mapapaalis ng sinuman.”
Kinatawan ng mga awardee ang Llano Homeowners Association Federation, na binubuo ng iba’t ibang homeowners associations sa Barangay 167-Llano.
Samantala, nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat ang mga benepisyaryo matapos matupad ang matagal na nilang pangarap na magkaroon ng sariling lupa.
Ang CMP ay isa sa mga pangunahing programa ng SHFC sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, na naglalayong palawakin ang access sa abot-kaya at sapat na pabahay.
Mula nang itatag noong 1998, mahigit 301,000 pamilya na sa buong bansa ang natulungan ng CMP na magkaroon ng security of tenure. /(LB)
