PBBM: TEKNOLOHIYA DAPAT MAKAPAGSILBI SA MGA PILIPINO


Ibahagi Facebook X

Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat tiyakin ng pamahalaan na ang mga bagong teknolohiya, kabilang ang artificial intelligence (AI), ay tunay na magsisilbi sa pangangailangan at kapakanan ng mga Pilipino. 

Sa mensaheng inihatid ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., sinabi ni Marcos na kailangang gawing mas accessible ang innovation at bigyan ang mga Pilipino ng sapat na kasanayan upang responsable nilang magamit ang mga bagong teknolohiya. 

“We must make innovation more accessible and equip our people with the skills to use it; AI must remain anchored on accountability, security, and public service,” ani Marcos sa paglulunsad ng eGovAI at “Kuya A” AI assistant sa The Manila Hotel noong Lunes. 

Hinimok din ng Pangulo ang mga Pilipino na gamitin nang responsable ang AI at tiyaking magsisilbi itong katuwang, hindi kapalit, ng sariling pagpapasya at paghusga. 

“Always remember that technology should sharpen our judgment, not replace it. Let us use AI as a tool to make well-informed decisions, without surrendering our own capacity to question, discern, and decide,” dagdag ng Pangulo. 

Inilunsad naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang “Kuya A,” isang AI-powered assistant na idinisenyo upang tulungan ang mga Pilipino sa pag-access ng mga serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng eGovPH Super App. 

May kakayahan ang Kuya A na magbigay ng real-time assistance, document extraction, image identification, translation, form interpretation at speech generation. 

Nagbibigay rin ito ng access sa impormasyon tungkol sa turismo, mga batas at polisiya ng pamahalaan, gayundin sa electronic Know Your Customer (eKYC) para sa identity verification. 

Bahagi ang paglulunsad ng patuloy na digitalization drive ng administrasyong Marcos upang gawing mas simple, mabilis at accessible sa mga Pilipino ang mga transaksyon at frontline services ng pamahalaan. 

Nakatuon din ang mga naunang inisyatiba ng eGovPH sa pagsasama-sama ng mga serbisyo ng pamahalaan sa iisang platform upang mabawasan ang pangangailangan ng mga mamamayan na makipagtransaksyon sa magkakahiwalay na tanggapan. 

Dumalo rin sa aktibidad sina DICT Undersecretary David L. Almirol Jr., Assistant Secretary Maria Victoria C. Castro, Anti-Red Tape Authority Secretary Ernesto V. Perez, Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, at Presidential Action Center Director IV Mary Grace S. Arboladura. 

Naroon din ang mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government, Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Charity Sweepstakes Office, Presidential Communications Office at iba pang ahensya ng pamahalaan. / (LB)

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon