
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nagtatakda ng limang taong termino ng mga halal na opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, o batas na nag-aamyenda sa Republic Act No. 12232, itinakda sa limang taon ang termino ng lahat ng halal na barangay at SK officials.
Mananatili rin sa puwesto ang mga incumbent officials upang ipagpatuloy ang kanilang serbisyo at mga programa para sa kanilang mga komunidad.
Nakasaad sa bagong batas na hindi maaaring magsilbi ang isang halal na barangay official nang higit sa dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon, habang isang termino lamang sa parehong posisyon ang maaaring pagsilbihan ng isang halal na SK official.
Itinakda rin ng RA 12326 na gaganapin ang susunod na regular na Barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at kada limang taon pagkatapos nito.
MAY BAGONG PROBISYON SA SK VACANCIES
Idinagdag din sa batas ang Section 4-A para sa pagpuno sa mga bakanteng puwesto sa SK.
Ayon dito, maaaring magtalaga ang city o municipal mayor na may hurisdiksyon sa barangay ng isang kwalipikadong indibidwal upang punan ang bakanteng puwesto sa SK, alinsunod sa mga rekisito sa ilalim ng Section 10 ng Republic Act No. 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.
Samantala, isinama rin ang bagong Section 4-B na nag-iinstitutionalize sa patuloy na training at capacity-building programs para sa mga barangay officials at SK members.
Pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga naturang pagsasanay, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Elections (COMELEC), state universities and colleges (SUCs), at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.
INCUMBENTS, MAY BAGONG TERM LIMIT RULE
Sa ilalim ng amended Section 5 ng RA 12232, ituturing na nakumpleto na ng incumbent elective barangay officials ang isang termino dahil sa dalawang taong extension ng kanilang panunungkulan. Dahil dito, ang mga incumbent na kasalukuyang nagsisilbi sa kanilang huling termino sa parehong posisyon ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong puwesto sa November 2028 Barangay at SK elections.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang extension ng termino na exempted ang mga incumbent officials sa mga nakabinbin o magiging imbestigasyon kaugnay ng administrative, civil o criminal cases at pananagutan laban sa kanila. Magkakabisa ang RA 12326 matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. / (LB)
