
TINATAYANG nasa 800 hog raiser mula sa iba't ibang panig ng bansa ang inaasahang lalahok sa kauna-unahang rally friday sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture o DA upang igiit ang agarang aksiyon ng pamahalaan sa patuloy na pagkalugi ng lokal na industriya ng pagbababoy.
Pinangungunahan ni Agap Party-list Representative Nicanor Briones, na inanunsyo sa pulong balitaan, ang protesta, na inaasahang makikiisa rin ang 15 departamento ng pamahalaan upang matiyak ang mapayapang pagsasagawa nito sa araw ng Biyernes.
Ayon kay Briones, umaabot sa ₱350 milyon kada araw ang pagkalugi ng mga lokal na magbababoy. Mula Oktubre 2 hanggang Oktubre 21, 2026, tinatayang umabot na sa ₱4.75 bilyon ang kabuuang pagkalugi ng sektor.
Kasabay ng rally, magsasagawa rin ang mga hog raiser ng tatlong araw na “Pig Holiday simula sa huebes hanggang sabado, kung saan pansamantala silang hindi magbebenta ng baboy sa merkado upang iparamdam sa pamahalaan ang epekto ng kanilang pagkalugi.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtataas ng taripa sa imported na karne ng baboy sa 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports, pansamantalang paghinto sa pag-isyu ng import permits, at mas mahigpit na pagbabantay sa mga inaangkat na produktong karne.
Hiniling din nila ang pinaigting na kampanya laban sa agricultural smuggling at ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Nanawagan din si Briones sa mga trader at retailer na tiyaking makatarungan ang presyo ng karne upang makinabang ang mga mamimili.
Binigyang-diin ng grupo na kailangang agarang tugunan ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magbababoy at matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng karne ng baboy sa bansa. (Nino Aclan)
