GOITIA: MGA KAWAL NG BAYAN, HINDI NAGPATINAG SA KOTA ISLAND


Ibahagi Facebook X

Hindi nagpatinag ang mga Pilipinong tagapagtanggol sa Kota Island sa kabila ng umano’y pagtatangkang paalisin sila ng mga tauhan ng Chinese maritime militia sa karagatang sakop ng Pilipinas noong Oktubre 9. 

Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), nagpakalat ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 ng 22 sampan malapit sa isla, kabilang ang isang bangkang lumapit hanggang 250 metro mula sa baybayin. 

Umano’y pinalibutan ng pangunahing sasakyang Tsino ang mga bangkang Pilipino, inangkin ang lugar bilang teritoryo ng China at inutusang umalis ang pangkat ng Pilipinas. 

Gayunman, sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang Philippine Marines at Philippine Navy, umalis ang lahat ng sasakyang Tsino sa territorial sea ng isla. 

Para kay Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, walang dayuhang sasakyang pandagat ang may karapatang magdikta sa mga Pilipino sa sariling karagatan. 

“May karapatan ang ating Coast Guard, Marines, at Navy na gampanan ang kanilang tungkulin sa karagatang sakop ng Pilipinas. Walang dayuhang sasakyang pandagat ang maaaring basta na lamang mag-utos sa kanila na umalis,” ani Goitia. 

Hindi ito ang unang pagkakataong namataan ang naturang sasakyang Tsino sa paligid ng Kota Island. Noong Setyembre 28, nagpakalat din ito ng 24 na sampan malapit sa isla, ayon sa ulat. 

Bahagi ng Kalayaan Island Group sa Palawan ang Kota Island. Sa ilalim ng Republic Act No. 12064 o Philippine Maritime Zones Act, kinikilala at itinatakda ang mga maritime zone ng Pilipinas at ang mga karapatan nito alinsunod sa internasyonal na batas. 

Nangyari ang insidente sa gitna ng tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea, kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan naantala nang halos 10 oras ang medical evacuation ng isang maysakit na marinong Pilipino. 

Samantala, nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagtutol sa pahayag ng Beijing na kailangan muna ng pahintulot ng China bago makakilos ang mga barkong Pilipino sa mga katubigang sakop ng karapatan ng bansa. 

Binigyang-diin ni Goitia ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at suporta sa mga ahensiyang nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan. 

“Pinangalagaan nila ang interes ng Pilipinas at ginampanan ang kanilang tungkulin nang mahinahon. Nararapat silang kilalanin at suportahan,” aniya. 

Si Goitia ay Chairman Emeritus din ng People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). / ((BONG SON))

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon