PBBM ITUTULAK ANG ELECTRIC PUVs; DRIVER, OPERATOR MAKATITIPID SA GASTOS


Ibahagi Facebook X

Itutulak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapalawak ng paggamit ng mga electric public utility vehicle (PUV) sa buong bansa upang mapababa ang gastos sa operasyon, mapalaki ang kita ng mga tsuper at operator, at makatulong sa pagpapagaan ng pamasahe ng mga commuter. 

Ito ang binigyang-diin ni Marcos sa pagbisita niya sa Balanga Green Mobility Hub sa Barangay Cabog-Cabog, Balanga City, Bataan noong Oktubre 15, 2026, kung saan ipinakita ang pasilidad para sa pagsingil ng mga electric vehicle gamit ang enerhiyang nagmumula sa solar power. 

Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng pagsusulong ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon, na layong matugunan ang mga hamon sa industriya habang nagbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga manggagawa at negosyante sa sektor. 

Malaki aniya ang matitipid sa paggamit ng mga de-kuryenteng sasakyan, partikular sa gastusin sa krudo na patuloy na nagpapabigat sa operasyon ng mga pampublikong sasakyan. 

Bilang halimbawa, sinabi ni Marcos na ang isang maliit na electric bus na may tinatayang halagang P4.4 milyon ay maaaring makatipid ng halos P68,000 hanggang P69,000 kada buwan sa gastos sa enerhiya kumpara sa tradisyunal na sasakyang gumagamit ng diesel. 

Ayon sa kanyang ipinakitang kalkulasyon, aabot sa P78,000 ang buwanang gastos sa krudo ng isang sasakyang bumibiyahe ng 200 kilometro kada araw, habang nasa P9,100 lamang ang gastos sa kuryente kung gagamit ng solar-powered charging system. 

Sa parehong halimbawa, tinatayang P57,000 ang buwanang gastos sa sahod ng driver at konduktor, maintenance at insurance, habang nasa P61,000 naman ang buwanang hulog sa financing. 

Sa kabila ng mga gastusing ito, sinabi ng Pangulo na maaaring umabot sa P36,000 ang buwanang maiuuwi ng operator habang binabayaran pa ang sasakyan, batay sa kalkulasyong inilahad sa pagbisita. 

Inihambing din niya ito sa kita ng mga tradisyunal na jeepney driver na, ayon sa kanya, ay bumaba dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo. 

Samantala, ipinakita rin ang potensiyal na pagtitipid sa paggamit ng electric tricycle na nagkakahalaga ng P240,000. 

Sa ilalim ng halimbawang financing scheme, P24,000 ang paunang bayad o 10 porsiyento ng halaga ng unit, habang P4,380 ang buwanang hulog. 

Para sa tricycle na bumibiyahe ng 80 kilometro kada araw, tinatayang P6,800 ang buwanang gastos sa krudo kumpara sa P900 lamang sa pagsingil gamit ang solar power. 

Gayunman, sinabi ng Pangulo na tataas ang gastos kung kukuha ng kuryente mula sa regular na power grid, ngunit inaasahan pa rin ang malaking matitipid kumpara sa paggamit ng krudo. 

Ipinaliwanag din ni Marcos ang posibleng financing arrangement kung saan maaaring hatiin ng operator at financing company ang paunang bayad, habang ang huli ang sasagot sa pagkukumpuni at iba pang kinakailangang maintenance alinsunod sa napagkasunduang kondisyon. 

Dahil dito, inaasahang mababawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga tsuper at operator sa paglipat sa electric vehicles. 

Bukod sa pagtitipid, binigyang-diin ng Pangulo ang benepisyong pangkalikasan ng mga de-kuryenteng sasakyan dahil wala itong direktang emisyon mula sa tambutso habang ginagamit. 

Hinimok din niya ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng mga electric vehicle at piyesa nito, kasabay ng pag-aalis ng taripa sa mga electric vehicle at kaugnay na sangkap upang suportahan ang industriya. 

Ayon kay Marcos, mas simple ang mekanismo ng electric vehicle dahil gumagamit ito ng baterya at motor sa halip na maraming piyesa ng tradisyunal na internal combustion engine. 

Sa pagtatapos ng pagbisita, pinasalamatan ng Pangulo ang mga lokal na opisyal ng Bataan sa pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan, kabilang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pagtatayo ng Balanga Green Mobility Hub. 

Sinabi naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na magsisilbing modelo ang pasilidad para sa pagpapalawak ng mga katulad na proyekto sa Bataan at iba pang sentrong urban sa bansa. / (LB)

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon