PILIPINAS, KABILANG SA PINAKAMABILIS UMUNLAD NA EDUCATION SYSTEMS SA MUNDO — PBBM


Ibahagi Facebook X

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinakamataas na performance ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA), matapos ilabas ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) ang resulta ng 2025 assessment. 

Sa video message na inilabas noong Martes, Setyembre 8, tinawag ni Marcos na “napakagandang balita” ang resulta, kasunod ng pagtaas ng marka ng mga estudyanteng Pilipino sa reading, mathematics at science. 

Batay sa PISA 2025 results, umakyat sa 373 ang mean score ng Pilipinas sa science, 371 sa mathematics at 367 sa reading. 

Mas mataas ang mga ito kumpara sa 2022 results, kung saan nakapagtala ang bansa ng 17-point increase sa science, 16 points sa mathematics at 20 points sa reading. Ito rin ang pinakamataas na scores ng Pilipinas mula nang unang lumahok ang bansa sa PISA noong 2018. 

Pinakamalaki ang naging pag-angat sa reading, kung saan nakapagtala ang Pilipinas ng 20-point improvement mula 2022 at kabilang sa mga education system na pinakamabilis ang pag-unlad sa reading literacy. Isa rin ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalaking pagtaas sa mathematics. 

Ayon kay Marcos, kabilang ang Pilipinas sa iilang education systems na nakapagtala ng improvement sa lahat ng pangunahing domain. 

“Nakasulat dito, the Philippines is among the few education systems improving across all domains. The Philippines is considered one of the fastest improving educational systems globally with the strongest long-term improvement in reading amongst participating systems,” ani Marcos. 

Iniulat din ng Department of Education (DepEd) na tumaas ang porsiyento ng mga 15-anyos na Pilipino na nakaaabot sa hindi bababa sa Level 2 proficiency. 

Umakyat ito sa 31 porsiyento sa reading, 24 porsiyento sa mathematics at 32 porsiyento sa science, mula sa 24 porsiyento, 16 porsiyento at 23 porsiyento, ayon sa pagkakasunod, noong 2022. 

Binigyang-diin ng Pangulo na dapat magsilbing inspirasyon ang resulta upang higit pang palakasin ang mga reporma sa edukasyon sa halip na magpahinga sa mga nakamit na pag-unlad. 

“Iilan lang daw ang bansa na natamo ang ganoong klaseng improvement na kagaya ng nakikita natin sa ating educational system,” ani Marcos. 

Kinilala rin ng Pangulo ang pagsisikap ng mga mag-aaral at guro, gayundin ang suporta ng mga magulang, komunidad at pamahalaan, bilang mahalagang bahagi ng pag-unlad ng education system. 

Ayon kay Marcos, ipinakikita ng resulta na mas nagiging posible ang pag-unlad kapag nagtutulungan ang buong education community. 

Binigyang-diin din niya na simula pa lamang ang mga nakikitang pagbabago, kabilang ang pagtatayo ng mga classroom at pagbibigay ng internet connectivity, computers, school supplies at printed learning materials. 

Para kay Marcos, hindi dapat ituring na katapusan ang PISA results kundi patunay na nagsisimula nang magkaroon ng konkretong resulta ang mga reporma ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon. 

“Kaya't huwag po natin titigilan... sa ating administrasyon, hindi po natin titigilan niyang mas lalo pa natin didiinan ng ating seryoso na pagtutugon,” ani Marcos. 

Sinabi ng Pangulo na dapat panatilihin ang momentum upang higit pang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at mabigyan ang mga batang Pilipino ng mas magandang oportunidad sa hinaharap. / LB

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon